Monday, November 19, 2012

"JEEPNEY"



Hindi ako "PURE" na mabuting mamamayan pero marunong naman akong umintindi nang pagkakaiba ng TAMA sa MALI, ng BAWAL sa PWEDE, ng SA'KIN at SA'YO.

Sa bawat umagang umaalis ako ng aming tahanan at bumibyahe papasok sa eskwela mayroon at mayroon akong nakikitang mga hindi maganda sa paningin.Sa simpleng pagtanaw ko sa bintana ng jeepney na aking sinasakyan at aking susumahin nasa sampu kada araw ang mga nakakainis na gawain ng mga taong aking nadaraanan. Hindi ko intensyon ang maghanap ng mali pero anong magagawa ko kung sa mga oras na iyon ang gusto ko lang naman ay makalanghap ng sariwang hangin na kahit ang totoo malabo kong makamit dahil sa usok ng tambutso ng mga sasakyan at usok mula sa yosi ng mga bagong gising na tambay!

Sa aming lugar mahuli ka lang ng ilang minuto kumpara sa nakaugaliang oras ng alis mo araw-araw asahan mo pahirapan na sa pagsakay. Marami na akong makikita sa kalsada na tulad ko ring "AVANGERS". Goodluck sa'yo kapag naka'tyempo ka ng jeep na uhaw sa pasahero at pagkakasyahin kayong lahat ng nakapila sa minamaneho nyang jeepney. BOUNDARY na si KOYA!

Maganda ang umaga, kaya dapat simulan ng isang magandang ngiti.Pero magagawa mo pa kaya 'yan kapag nagbayad ka ng pamasahe at dahil sa bandang dulo ka nakaupo malapit sa pasukan kelangan mong makisuyo at ipaabot ang pamasahe mo sa mga katabi mo para makarating kay manong driver. Ang nakakainis lang walang pumapansin sa'yo. Iyong isa tulog (tulug-tulugan), iyung isa my kandong na bata (nabibigatan na daw siya kaya hindi kayang abutin ang bayad mo), yung isa may kausap sa cellphone "Potangena ka pala eh!Sino ka ba?Tawag ka ng tawag?"sabi pa ni Ate. At yung isa....DEADMA!(who you?!) Napabuntong hininga nalang ako at sumigaw ulit ng "BAYAD PO!!!PAKISUYO NAMAN PO PARANG AWA N'YO NA!".Ayun,may isang naawa, iyong lalaking nasa tapat ko na kanina pa pala ako tinititigan. Gusto ko tuloy siyang sabihan ng : "Maraming salamat at ika'y nahabag sa kaawa-awang tulad ko, at aking batid na tila kanina mo pa ako tinititigan?Nagagandahan ka ba sa'kin o natatawa dahil mukha na akong tanga walang pumapansin sakin?!!" Sa wakas, nakarating kay manong driver ang bayad ko. Mabuti nalang at eksakto ang binayad ko, hindi na ako kelangan pang suklian at kung nagkataon baka si manong driver naman ang magmukhang tangang walang papansin sa kanya.

 

Ang panget ng view sa loob ng jeep. May mag-jowang parang mga sawa kung maglingkisan, may magtotropang kung magkwentuhan kala mo ngayon lang nagkita at ang pinag-uusapan yung katangahan ng isa nilang tropa na kasama sa inuman kagabi lang! Andyan din si manong na aantok-antok na sa sobrang antok ay makailang ulit kamuntikan masubsob ang mukha sa harap ko. Maiksi ang pisi ng pasensiya ko pagdating sa mga nakakainis na pangyayari...pero kaya ko naman kontrolin ang emosyon ko at bumuntung-hininga nalang!Mahirap na baka ma-videohan pa ko at maging viral sa social networking site. Pangarap ko nga ang sumikat pero hindi sa ganoong paraan noh! Mabait kaya ako! (Saan banda?).

Andami kong napapansin, ang totoo bitter lang naman ako sa buhay (hahaah).  Tahimik nga akong nagmamasid sa paligid ko pero napakarami namang tumatakbo sa isip ko. Pisti kasi nawala ko 'yung headset ko...hindi tuloy ako makapag-soundtrip sa byahe, suwerte na ko kung maka-tyempo ng "PATOK" na jeep na tinatawag,  mabilis na byahe, sa lakas pa ng tugtog sasabog ang utak mo! 

"MANONG! PARA PO!"